Friday, October 24, 2008

Nakaka Miss..

Kahapon to..

Lumipas na naman ang maghapon, tumanda na naman ako nang isang araw. Pero parang wala akong pinagkatandaan at walang nangyari sa akin.

Habang ang araw ay masigasig na nanununog ng balat ng mga construction workers na kasalukuyang gumagawa ng MRT dito sa Dubai. Sa kakarampot na kita, sila ay nagtitiis para makaipon ng perang pampadala sa pamilya. Akong isang mapalad na nilalang na binabayaran dati para lang tumanghod sa harap ng computer eh heto nakahiga sa loob ng isang malamig na silid nagmumuni muni kung ano ang susunod na hakbang na aking gagawin. Nakakamiss ang opisina sa Pilipinas, minsan magulo, minsan tahimik, minsan may pakain, madalas KKB sa canteen, minsan matrabaho, minsan naman chikahan lang ang inaatupag.

Alas siyete na nang gabi, dinner time na sana, pero wala na naman akong makakasabay na kakain, mas malala, wala rin akong ibang makakain kasi tinamad na akong magluto. Kung nasa Pinas sana ako, wala na akong gagawin at tatawagin na lang ng Nanay ko ang pangalan ko para sabihing, "Anak, luto ang paborito mong saluyot at labong, kumain ka hanggat mainit pa..". Namiss ko naman ang Nanay ko at mga mga luto niya. Pero higit don, yun makasabay ang mga kapatid kong makukulit at maiingay habang kumakain. Dati asar na asar akong kumain na kasabay sila kasi sobrang iingay, kahit puno ang mga bibig, dakdakan nang dakdakan. Pero ngayun narealize ko, mas ok na yun may maingay na kasabay kumain kesa naman kumain ka nang mag-isa sa isang nakakabinging katahimikan.

Lumabas ako ng bahay, gusto kong maaliw kasi maghapon na akong nakakulong sa sarili kong mundo. Naglakad lakad na naman ako sa mga kalye ng Dubai. Pumasok ako sa isang department store para tumingin ng damit pang-winter (as if naman tatagal pa ako hanggang winter). Habang nagsusukat ako ng isang turtle neck na sweatshirt , may kumalabit sa aking likuran. Dati ko palang ka-housemate noong una pa akong pumunta dito sa Dubai. Kumustahan. Kwentuhan. Sabi ko sa kausap ko nagbago na siya. "Oo naman!", wika niya, "siya nga pala kasama ko partner ko.." dagdag niya. Napaisip ako don, partner? Lawyer na ba siya? Lumapit ang kanyang kasama, isang babae halos

kasukat niya. Okay. Bumati naman ako. Nabago na nga siya. Babae dati, tomboy na ngayun. Pero nainggit ako. Hindi dahil gusto ko rin ng tomboy. Nainggit ako kasi masaya sila. Samantalang ako na "Dude of Distraction" nga pero wala namang pumapansin. Walang nagmamahal. Walang gustong makipag-usap. Namiss ko tuloy yung kaunti kong frieds sa Pinas. Kahit papaano, may nakakaintindi rin sa akin, nakakasakay sa mga trip ko, nakakaunawa sa mga gusto ko. Dito kasi wala.

Mahaba haba na rina ng aking nalakad. Higit isang oras na rin akong nag walkathon sa maalikabok na kalsada ng Dubai. Sa dinami damin ng mga bagong gusaling kasalukuyang itinatayo ngayun dito, napatingin ako sa isang apartment unit ng isang lumang gusali sa tapat ng aking binabaybay na eskinita. Syet! Bakit ka nagpakita sa akin. Hindi ka na naawa. Sobrang dami na ng kalungkutan sa puso ko, dumagdag ka pa. Bakit. Ang dami kong tanong na walang question mark.

Marahil Pinoy ang nakatira sa naturang apartment unit. Kasi sa hinaba haba ang nilakad ko at sa dinami dami ng gusaling nadaanan ko, ngayun lang ako ng nakikita ng mga kumukutitap at bumubusilak na Christmas lights. Opo ang Christmas light. Senyales na malapit na ang Pasko. Nakakalungkot nga lang isipin na hindi gaanong binibigyang saya ang araw na yan dito kasi ito ay isang Muslim country. Nang makita ko ang mga Christmas lights, lalo akong nalungkot. Hindi ko na sasabihin kung bakit, sobra na, tama na, sariwa pa. Sana kung sa Ayala ako naglalakad ngayun eh nakikita ko sana ang kalsadang punong puno na makukulay na parol at christmas lights. Sana kung nagbus ako eh nakarinig sana ako ng awiting pamasko. Kung nagpunta sana ako sa Megamall eh nakahabol sana ako sa kanilang pre-christmas sale. Linsyak na Christmas light yan, kung hindi sana kita nakita eh hindi ko sana maaalala lahat ng mga pinaggagawa ng tao sa Pinas pag ganitong panahon. Hay,,nakaka miss...

Pagdating ko na bahay, as usual, wala pa rin tao, tinodo ko na ang drama, nagpatugtog ako ng isang Christmas song na tamang mood para sa aking pagdradrama at emo. Heto ang pakinggan niyo.



4 comments:

jhuice,  October 23, 2008 at 6:57 AM  

kasi naman! what made you think na christmas lights un?!!? sana inisip mo na lang.."kwawa naman ung nakatira dun, malapit na masira ang aandap-andap nyang ilaw!" dapat un na lang inisip mo para di ka maging sad...

at kme ba ung mga kaunti mong friends sa pinas!?!?! miss ka din namin noh! ung mga pag-aagawan sa mic sa mga videoke sessions! hahaha!!

Chico October 23, 2008 at 7:06 AM  

@ jhuice..kung ilaw yun, bakit halos lahat eh sabay sabay na nag andap andapan! hahaha, christmas light talaga yun, huminto pa ako sa paglakad para lang picturan yun..

yeah, matagal tagal na rin akong hindi nakakakanta...hayaan mo malapit na ang aking first podcast, maririnig nyo na ang aking tinig!

wanderingcommuter October 24, 2008 at 1:58 AM  

haaay, this post definitely made me havings econd thoughts of leaving the country....

RJ October 27, 2008 at 6:34 PM  

Ang dami mong naiisip lately, naho-homesick ka. Maagang Halloween, ngayon naman pasko na ang naiisip mo.

Talagang nag-take ka pa ng picture ng Christmas light...

Naku, paborito ko rin ang saluyot at labong.

Teka, bakit mo nga pala nabanggit na parang hindi ka na aabot ng winter dyan?