Monday, October 20, 2008

Maagang Halloween

Kagabi, mag-aalas otso na pero wala pa rin akong kasama sa bahay. Pauwi pa lang marahil ang aking mga kasambahay buhat sa kanilang mga trabaho. Dangan kasi'y wala akong pasok kaya maghapon lang akong nakakulong sa bahay. Nakakainip. Nakakasorya. Naubos na lang ang oras ko sa kung anu anong bagay: kakalaro kay teddy bear; kakapiris ng nakakabwisit na surot; kakakulangot; kakatambay sa aming veranda habang nakatingin sa malayo, nag-iisip kung ano kaya ang aking ginagawa sana kung ako eh nasa Pinas kasama ang aking pamilya.

Buong maghapon ang lumipas nang hindi ko man lang naiyapak ang aking paa sa labas ng aming paraisong kurtina. Isang maliit na ilaw lang ang nakasindi sa aming kwarto na para bang nagsasabing "patayin mo na ako nang wala ka nang makita.." Makulimlim ang paligid ng silid. Malamig. Tahimik. Ako'y nag-iisa dahil wala akong kasama. Pero ramdam ko sa aking puso ang higit na kalungkutan dahil alam kong kahil lumabas ako ng aming bahay eh wala rin naman ako maaaring makasama dahil wala naman akong kaibigan dito sa Dubai.

Alam kong malapit na akong magMMK moment na naman kaya nagpasya akong magliwaliw at maglakad lakad sa pinakamalapit na mall. Madalang din ang tao sa mall, siguro kasi ay unang araw ng linggo at kakatapos lang ng weekend. Mahaba pa ang gabi. Wala akong maisip na matatambayan o mapaglilibangan man lang nang mag-isa. Nagpasya akong manuod na lang ng sine, tutal matagal tagal na rin naman akong hindi nakakapanuod. Hindi kagandahan ang mga palabas pero wala akong choice tutal nandon na rin lang ako. Bumili ako ng tiket para sa pelikulang Boogeyman 2 (2007 pa ito pero ngayun ipinalabas sa Dubai). Alam kong horror movie 'to kasi parang napanuod ko yata ang part 1 nire sa Megamall. Anyway eh malapit naman na ang Holloween so okey lang na takutin ko ang sarili ko paminsan minsan.

Limang minuto na ang itinatakbo ng pelikula nang ako ay pumasok. Maliit lang ang sinehan pero sobrang dilim. Matagal akong nakatayo sa likurang bahagi habang nag-aantay ako ng maliwanag na eksena para makahanap ng mauupuan. Nang lumiwanag ang paligid, tumambas sa akin ang halos bakanteng upuan. Walang tao sa loob! At manunuod ako ng horror film nang mag-isa! Nalungkot ako at natakot. Hindi dahil nakakatakot ang palabas kundi dahil wala man lang akong kasamang matatakot sa tuwing may eksenang papatayin ng Boogeyman ang mga bida sa pelikula. Umupo ako sa gitna ng sinehan. Habang nanonood akong mag-isa, balot ako ng lamig at kaba, kasi baka kako may taong nanunuod sa akin sa aking kaliwa, sa kanan pati na sa aking likuran. Baka kaso bigla na lang akong saksakin at iwanang duguan sa loob ng sinehan. Walang kamalay malay at wala nang buhay.

Balisa akong nanuod, naramdahan ko talaga ang takot sa puso ko. Gusto ko na agad matapos ang palabas para ako'y makasulyap ng liwanag at konting init dahil talaga naman malamig sa loob. Pagkatapos ng pelikula, derecho akong umuwi ng bahay, humiga at muling tumingala sa makulimlim na ilaw, gustong pumatak ng aking mga luha. Kulang dalawang oras din akong nawala sa bahay pero wala pa rin ni isa ang dumating. Wala man lang makausap. Walang mapagbidahan ng aking panunuod ng sineng mag-isa. Malalim ang aking mga buntong hininga pero hungkag ang aking diwa. Bigla kong namiss ang pamilya at mga kaibigan ko sa Pinas.

Ilang linggo pa bago ang halloween pero parang ngayun pa lang eh ramdam ko na ang lungkot at takot. Takot na palaging mag-isa. Takot na masiraan ng ulo dahil sa kawalan ng makakausap.

4 comments:

RJ October 19, 2008 at 1:02 PM  

[ngumingiti] Napakaagang halloween nga!

Hindi ba mahilig manood ng sine ang mga Dubai locals? Ako matagl nang di nakapanood ng sine, The Dark Knight pa ang huli.

Natakot naman ako sa huling pangungusap mo, "Takot na masiraan ng ulo dahil sa kawalan ng makakausap." Palagi rin kasi akong walang makausap.

Hahaha!

paperdoll October 19, 2008 at 2:52 PM  

TaMa ang sinabi ni RJ. . nakakatakot naman manood ng sine mag isa. . sa totoo lang di aco nanunood ng horror. . eh panu pa kaya yung manood ng nag iisa sa loob ng sinehan? pero parang nangibabaw parin yung pagkamiss mo sa pamilya mo. . nakakalungkot naman buhay mo dyan:(

lucas October 21, 2008 at 12:52 AM  

hays... ang lungkot naman ng post na to... ito ang dahilan kung bakit parang nagaalinlangan akong mangibang bansa. malungkot kasi.. mahirap gumawa ng kaibigan..hays..there's no place like home...

pero ang lupit mo. nakapanood ka ng sine mag-isa? nakakatakot kaya. at delikado. ewan ko lang dyan ha? hehe! try mo make friends there :)

lucas October 21, 2008 at 12:53 AM  

let us all live healthy :)