A Love Story
"Unang tingin pa lang niya sa akin, nabasa ko na sa kanyang mga mata na may gusto siyang iparating, Umiwas ako. Natakot. Hindi naman kasi pangkaraniwan ang lugar na kung saan kami nagkita. Baka may makapansin sa amin, ano pa ang isipin. Makalipas ang ilang oras na pagliliwaliw, nagpasya akong lumabas na at umuwi ng bahay. Umuulan noon, wala naman akong dalang payong o kung anong pantakip ng ulo man lang. Naghintay ako sa mataas na silong ng mall na yun. Maraming iba pa ang nagpapatila rin ng ulan. Maingay ang paligid, sinasabayan pa ng walang tigil na chismisan ng mga taong nasa likuran ko. Nakakainip. Mag alas onse na nang gabi non. Gusto ko ng magpahinga. Kapagdaka’y napatingin ako sa aking tagiliran, may isang taong nakamasid sa akin. Hindi ako pwedeng magkamali. Siya yun. Siya ang taong nakita ko kanina at iniwasan. Sinundan ba niya ako? O nagkataon lang? Di naman siguro kasi ilang oras na rin ang dumaan mula ng unang nagtagpo ang aming mga paningin. Malamang nagkataon lang at pauwi na rin siya. Wala rin siyang dalang payong.
Gusto ko nang suungin ang malakas na ulan para lang makauwi, pero baka naman ako’y magkasakit at mabasa ang aking Hush Puppies na sapatos, sayang naman kakabili ko pa lang. Habang ako’y nakatayo sa aking napapagal na mga hita, nararamdaman kong ang tao sa tagiliran ko ay nakamasid sa akin, na para bang naghihintay na siya’y aking sulyapan din. Nilingon ko siya kunwari ako’y may hinahanap, siya’y nakatingin nga ng malagkit at nakangiti ng parang isang walang muwang na kabataan. Isa isa ng nawawala ang mga tao sa waiting shed dahil patigil na rin ang ulan. Ewan ko ba, pwede na sana akong umalis pero nagdalawang isip ako. Sapakin ko kaya ang sumusunod sa akin, wari ko. Pero huwag, sayang naman, napag isip isip ko, may hitsura naman pala siya.
0 comments:
Post a Comment