Tuesday, October 28, 2008

Ligalig

Biling-baligtad. Balisa. Napagod ang buwan sa haba ng gabi. Hindi man lang dumalaw at nagpaunlak ang antok. Sa muling pagmulat ng talukap ng aking mga mata, maliwanag na ang paligid, umaga na...

Hindi ako pinagpahinga ng aking isip. Tuliro. Bilanggo. Bago kasi magdilim, tumawag ang kompanyang aking dating pinagtratrabahuhan upang ipabatid sa akin na nakansel na raw ang aking residence visa. Ibig sabihin, wala na akong karapatan na manatili sa Dubai pagkatapos ng 30 days na grace period. Liban na lang kung ako eh makakahanap ng panibagong trabaho na mag-iisponsor ng aking panibagong residence visa.

Mahirap ang pakiramdam nang ganun. Para kang may taning. Parang pelikula, bilang na ang araw mo. Nakakapressure. Nakakatense. Nakakaligalig. Ano mang pilit kong iwaksi ang naturang usapin sa ang aking isipan ay hindi ko magawa. Paano na ako? Ano ang aking gagawin? Malambot at malamig ang aking hinihigan, pero ramdam ko ang balisa, lungkot, paghihinayang, kawalan ng pag-asa. Hindi ko makuhang pumikit. Hindi ko mahawakan ang puso ko. Hindi ko madiktahan ang isip kong magpahinga na muna at saka na mamroblema.

Hindi ko alam kung saan ako uulo, kung saan ko ilalagak ang aking mga pasmadong kamay. Patagilid, patihaya, padapa. Wala akong maaninag sa madilim kong paraiso. Habang ang lahat ay mahimbing na nananaginip ng masayang mga pangyayari, ako'y dilat sa sariling diwa punong puno ng bagabag at sana naman. Nag-iisip ako ng maaari kong gawin, mga hakbangin dapat kong umpisahan para hindi ako matalo sa laban na ito. Ayokong sumuko. Ayakong patalo. Ayokong pagtawanan. Ayokong kaawaan. Hindi ako loser.

Nagbalot ako ng kumot baka sakaling maikubli ko rin ang aking nasasakal at pagod sa paglalakbay na isipan. Hindi ko mawari. Kakadating ko lang mula sa isang napakahabang paglalakad pero walang akong nararamdamang pisikal na pagod. Namamayani ang aking pagninilay nilay sa masamang balita na kung tutuusin ay ako rin naman ang may-gawa.

Malikot ang aking pagkakahiga. Balisa higit pa sa aking dinadalang kapalaran. Ayaw magpatulog ng gabi at ng kanyang mga alipores. Dumadamay ba o sadyang namimwisit? Masakit, nakakairita, ramdam ko ang paggapang nila sa aking mga binti. Mabilis kumilos pero mahirap tukuyin kung nasaan. Sadyang mailap ang kapayapaan ng gabi para sa akin. Idagdag mo pa ang mga pesteng surot na animoy nagproprotesta kung bakit ako'y gising pa. Salamat na lang sa aking masaklap na kapalaran na hindi nagpatulog sa akin. Hindi ko nahayaang sipsipin ng mga surot na yun ang aking dugo at baltikan ang aking bugbog na kawatan.

3 comments:

jhuice,  October 29, 2008 at 7:53 AM  

whatever happens, don't ever think that you're a loser.. with all that has happened, i know that you've learned alot out of it.. and with all those learnings, you will definitely emerge victorious! just be positive and always hope for the best..

sherwin is SURE WIN! keep that in mind! ^-^

aja! fighting, fighting!!

RJ October 29, 2008 at 2:04 PM  

Magdasal.

Magdasal para mawala ang ligalig! Magdasal para mawala ang mga kinatatakutan. Magdasal para makakita ng bagong sponsor, OK?

Happy halloween!

I am Bong November 1, 2008 at 2:10 AM  

kaya mo yan parekoy... 'wag mawalan ng pag-asa...