Saglit
Ewan ko ba, pero nitong mga nagdaang araw, parang wala ako sa sarili, di man lang makapag isip ng kung anong pwedeng isulat. Para akong isang bulaklak na nasimsim ang lahat ng bango ng mga mapagsamantalang bubuyog. Walang gana, walang inspirasyon, walang panahon. Pero siguro busy lang talaga ako, pero saan? Mabilis lang siguro ang takbo ng oras dito sa Dubai kaya parang kulang ang isang araw para bunuin ko lahat ang mga bagay na gusto kong gawin. Biruin nyo, tatlong buwan na pala mula ng dumating ako muli dito sa Dubai. Parang kalian lang…hay ang bilis talaga ng araw…sana lalo pang bumilis para makauwi na ako…
Parang ang dami ko nang namiss.. yung mga magagandang palabas sa sine, yung ulan, yung bagyo, yung gulo sa Mindanao, at ang dami ko pa siguradong di makikita at mapupuntahan..ang OktoberFest ng San Miguel, ang For the First Time ni KC, ang blow out ni Jhu at ni Cj at huwag naman sana, pati ang Kapaskuhan. Nakakadurog ng puso ang isiping malayo ka sa mga mahal mo sa buhay habang sila ay nagsasaya at nagdiriwang. Pero ganun daw talaga ang buhay OFW, titiisin mo lahat alang alang sa pamilya. Basta’t makapagpadala lang ng pera, di bale ng malungkot at kadalasa’y nag-iisa.
Buti na lang, may email dito sa opisina, kahit papaano eh nakakag kwentuhan sa mga barkada sa Pilipinas. Huwag nang chat sa YM, masyadong obvious, baka masita pa. Sapat na yung alam kong nandiyan pa rin sila sa kabilang linya kahit pa sabihin ang kabilang linya nay un eh sanlibong milya ang layo. Sarap pa rin mabasa yung mga jokes, yung maga asaran at yung mga okrayan to the highest level. Parang isang baliw na mag-isang tumatawa sa harap ng monitor, who cares? Di matatawaran ang mga ngiting buhat sa mga tunay na kaibigan, para ko na ring narinig yung mga tinig nila sa email lalo pa’t punong puno ito ng kantyawan..
Saglit akong nakakalimot na ako ay nasa malayo.
1 comments:
Nakaka-relate ako sa 'yo. Dami ko na rin nami-miss sa Pilipinas!
Post a Comment